Malakas ang hangin na tipong gigiba sa mga nagtatayugang gusaling hinahampas nito kasabay ang marahas na pagbuhos ng ulan na wari bang nagngangalit na isang hari. Samantalang ang mga dahon naman ay patangay sa kung saan sila itatapon na tila mga batang paslit na pinapastol ng pamalo. Habang ang mga sasakyan naman ay patuloy na humaharurot na pilit nilalabanan ang ulang kahalintulad ng mga mandirigmang humahawi sa mga kalaban sa gitna ng digmaan.
Ganito ang misteryosong namamasid mula sa labas ng bintana habang ako naman sa loob ay nakaupong naghihintay na matapos ang araw, walang lakas na kumilos at masama ang pakiramdam na sinasabayan ang nakakalungkot na panahon.
Paano ko nga ba sisimulan kung sa bawat araw na idilat ko ang aking mga mata ay tila ako isang robot na paulit-ulit na lamang sa aking ginagawa. Nakakatamad! Nakakawalang-gana! Nakakabaliw para sa isang malikot at maligalig na taong makulong sa iisang takbo ng buhay: umuulit bawat araw na tipong pinapaikot na lamang ng makinarya.
Nakakabaliw at tipong nais ko ng sumuko, isabay mo pa di yan ang hindi matimplang emosyong pabago-bago, ekspresyong nag-iiba, daloy ng isipang walang iisang direksyon.
Naiinis na ako! Gusto ko ng kumalas at humiwalay! Gusto ko ng iwan ang ganitong buhay. May iba akong pangarap, may ibang nais patunguhan at hindi lamang para maikahon sa isang karanasang katulad na lamang nito.
Halimbawa, gusto kong lumipad at damhin ang malamig na hangin mula sa himpapawid. Papaano ko ito magagawa kung nakakulong ako sa hawla ng araw-araw na sistema?
Halimbawa, nais kong sisirin ang buong karagatan. Subalit papaano ko itong magagawa nagyong nalambat na ako ng tadhanang inihiwalay ako sa tunay kong katayuan, tirahan?
Halimbawa, nais kong sumulat ng mga oda at umawit ng mga himig ng aking kalayaan. Ano ang paraan kung ninakawan na akong ng tinig upang maging isang makinang takot na mawalan bateryang nagbibigay buhay.
Halimbawa, nais kong makakita ng pitong bundok ngunit hinarangan na ng ulap upang itago ang tunay nitong mga anyo.
Kumukulog, kasunod ay ang kidlat! Hindi, una ang kidlat bago ang kulog! Hindi na dapat pang pagdebatehan, dahil sa buhay ay wala naman talagang kasiguraduhan.
Nakakaasar! Nakakainis! Hindi ko alam kung papaano puputulin ang pisi! Ang pising dati ay lubid na nagkukonekta sa aking kapalaran, bumibigkis sa aking matimyas na buhay. Nakakatakot pumutol ng pisi, nakakatakot ang posibleng maidulot nito. Pero ang pising ito na rin mismo ang sumasakal sa akin: bilang tao, mga pangarap, mga nais patunguhan at mga naising para sa sarili kong buhay.
Nakakainis! Gusto kong lumipad at putulin ang pisi! Gusto kong lakbayin ang bago at mas malawak na mundo. Gusto kong makita ang ginintuang hardin ng mga hari. Gusto kong ihakabang ang mga paa ko sa mga perlas na buhangin ng karagatan.
Paano ba magpapaalam? Paano ko ba sasabihin ang wala na? Paano?
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento