Humahalo ang nakasusulasok at nakasusukang amoy na mula sa
lipunang pinaghaharian ng mga kapitalistang ganid sa sariwang hangin
ng lupang pangako. Lalanghapin ng sambayanang binabarat sa pasahod
at papasok sa pagal nilang katawan patungo sa kasuluk-sulukang
bahagi na dadaloy sa kanilang mga ugat kasabay ng pulang dugo na
bumubuhay sa mga api upang patuloy na magpaapi hanggang sa marating
nito ang kanilang mga utak na magpapaulol sa mga huwad nilang
makalangit na pangako at katuruan na mula raw sa Diyos na hindi
nakikita at nadarama ngunit nabubuhay, at magpapabulok rito na
magiging dahilan upang sila ay hindi makadama, makapag-isip at
makaalpas sa umaalingasaw na sistema. Samantalang ang mga may
kakayahan na tumindig at makahulagpos upang gisingin ang bayan ay
takip-ilong na nasisikmurang baliwalain ang nanggigitatang kalagayan
ng lipunan habang ang mga intelektwal sa pamantasan ay lubha pang
nalulunoy sa pataasan ng ihi kasabay ng patuloy na pagtaas ng
matrikula at pagbaba naman nang kalidad ng edukasyon at malawakang
paglaganap ng mapanghing kultura na inihi ng mga naghaharing-uri
katuwang ang mga nasa panggitnang uri upang mapatibay ang
namamayaning kasalaulaan.
Sa loob ng lipunan ay mapagmamasdan ang mga pader na mababakasan
ng kababuyan na pinalala ng masalimuot na pagkakasulat sa kasaysayan
ng bayan at sa sahig naman ay nagkalat ang iba’t ibang tao na
masahol pa sa basurang hindi na mapakinabanggan. Mayroong
ipinanghimod sa puwet ng mga dayuhan at mga naghaharing-uri gayundin
ang kanilang mga iniluwa, pinagsawaang nguyain, na pinakikinabangan
ng bayan. Nagkalat din ang mga pinaggamitang tampon na walang
pinagkaiba sa lipunang elitista na nakatiwangwang at naghihintay na
sumalubong sa mga ambisyosong nais makatungtong sa kanilang lipunan.
Mayroon ding mga luklukang pinag-aagawan ng mga nagnanais maupo sa
trono at magkamal ng malaking yaman sa kabila na tinga lang ang
napupunta sa kanilang bulsa sapagkat ang kabuuang yaman ay hinihigop
ng mga timawang kapitalista, nakanganga at handang sahurin ang mga
gintong ilalabas nang mga taong nilason ng sistema, kahit na ang
lalamunan nila ay nag-uumapaw sa mga lumulutang na ginto.
Gintong sarap na sarap laklakin at lamunin ng kahit sinong
nakatataas. Nagkalat naman ang mga dura sa banggerahan, hugasan ng
kamay ng mga dogmatikong relihiyoso, pulitikong tuta ng mga
naghaharing-uri at mga bobong intelektwal.
Marami ang nagbigay ng suhestiyon nang pamamaraan upang linisin
ang suliranin ng lipunang walang kasing sangsang ngunit sa dami ay
isa lang ang namayani. Payo nila, na eksperto raw sa paglilinis ng
mabahong lipunan, na nakapag-aral pa sa mga abanteng malilinis na
lipunan sa daigdig – na kasalukuyang may malaganap na epidemya ng
pagtatae, ang pinakabago at epiktibong panlinis – ang neoliberal.
Subok sa kalidad at epekto sa pagpapahirap sa mga mamamayan at tiyak
na maghahatid ng malaking tubo sa mga kapitalista.
Mawawala ang basura, baho at dumi ngunit hindi ang sangsang na
nanunuot sa bawat sulok ng lipunan. Masasawata ang bunga at puno ng
kasalaulaan ngunit hindi ang ugat nito at sa muling pagbalik ng
kabahuan ay mas makakasulasok, mas nakakasuka at mas nakakabaliktad-
sikmura sa baho na natitiyak kong mapapansin ng lahat. Magigising
ang diwa ng bawat isa at papasok ang mapagpalayang kaisipan na sa
isang iglap ay dadaluyong upang baguhin ang tadlang hinulma ng mga
naghaharing-uri. Gamit ang pambomba at panlinis ay titindig at
isisigaw ang digmaang bayan. Bubuhusan ng mainam na asido ang bawat
pader at sahig upang lusawin ang ugat ng kabahuan. Iiskubahin at
iis-isin ang bahid ng kababuyan hanggang silang mga sanhi ay maglaho
ng tuluyan. Bobombahin ang mga bunganga ng mga kapitalistang
nag-uumapaw sa ginto hanggang sa dumaloy ang mga naglutang na ginto
sa dapat nitong patunguhan. Wawalisin ang lahat ng kalat kasama na
ang mga pinaggamitang tampon – lipunan ng mga elitista, hanggang sa
ang buong lipunan ay maging malinis, makintab at wala nang sangsang
at mapapalitan ng isang bagong lipunan na may makatarungan at
makataong amoy.
Ang pahinang ito ay inilaan upang magbigay buhay sa natatanging kaisipang naglalaro sa aming mga utak. Felicity Jane - ang bukod tanging dalaginding, Simeon de Jesus magaling magkwento, palyado sa technique, BX_35 - totoong writer na walang time magsulat na idol at master ni AL Castro, Joshua Santos - unidentified sa lahat, Koji Anthony - soon to be the "next big star", Lance Cruz - lakwatserong moreno, at AL Castro - nagpapanggap na writer na tinatamad magsulat.
Huwebes, Mayo 17, 2012
May Digmaan sa Palikuran
Mga etiketa:
cultural,
dapat,
digmaan,
interpretasyon,
kwento,
kwentuhan,
learning,
modernity,
natural order,
pagkilos,
paniniwala,
political,
social
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento